DEAR Emily,
Iniwan ng kapatid kong lalaki at ng asawa niya ang tatlo nilang anak nang sila ay nag-OFW tatlong taon na ngayon.
Ang mga gulang ng bata noon ay isa, tatlo, at apat na taon. Ako ang napagkatiwalaan nila dahil biyuda ako na walang anak, at dalawa lang kaming magkapatid noon.
Ang problema ko ay nagiging laki sa layaw ang mga bata. Laging nakikialam ang pamilya ng hipag ko kaya para akong natatalo sa pagpapalaki sa mga anak nila. Nagagalit ang nanay at mga kapatid ng hipag ko ’pag dinidisiplina ko ang mga batang ito.
Ang ibig ko lang naman ay maging tama ang ugali nila at huwag lumaking puro bili nang kung anu-anong walang kwenta, at kumakain lagi sa McDo at Jollibee. Para kasing akala nila ay nagdadamot ako at sa akin lang napupunta at itinatago ko ang perang pinapadala ng kapatid ko.
C.O.
KUNG sa iyo iniwan ng mag-asawa ang mga anak nila, may dahilan sila. Mas pinagkakatiwalaan ka siguro kaya gano’n. At huwag kang matakot na ituwid ang landas ang mga batang ito.
Sa iyo nakasalalay ang magiging takbo ng utak nila pag sila ay magsilaki. Tama ring idahan-dahan mo ang pagbili-bili nila ng mga walang kwentang bagay. Ibuhos mo ang gastos sa mga bagay na ikadudunong nila gaya ng mga librong may aral, mga sineng matututo sila, at mga pagkaing nakakalusog at hindi mga walang sustansya at nakakatabang lamig.
Huwag mo silang palulain at sanayin sa dami ng pera. Marami pa silang kakaining kanin upang mamulat sila sa buhay. Mahaba-haba pa ang pagtatrabahuhan ng mga magulang nila upang makatapos silang lahat ng pag-aaral, kaya kailangan ay sinop at tipid ang iaral mo sa kanila.
Dapat matanim sa isip ng mga batang ito, pati na rin sa ibang pamilya, na hindi lahat ng araw ay Pasko. Lahat ng maliligayang araw ay may katapusan.





