Nanawagan kahapon ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa mga obispo sa ibang bansa na tulungan ang Pilipinas sa pagsasabi sa kanilang mga kababayan tungkol sa mabubuting katangian ng mga Pilipino.
Sinulatan ng CBCP ang mga kapwa pinuno sa Simbahang Katoliko sa gitna ng mga pagbatikos at pagpuna sa pamahalaan bunga ng nabigong pagliligtas sa mga turistang binihag ng isang natanggal na pulis.
Sa dalawang-pahinang sulat ay sinabi ni Tandag Bishop Nereo Odchimar, pangulo ng CBCP, na nahihiya ang mga Pilipino dahil sa madugo at marahas na pagtatapos ng pambibihag sa Luneta noong Agosto 23. Aniya, hindi nasasalamin ng pangyayari ang “true heart of the Filipino.”
“We assure you, the grieving families of victims as well as all men and women of goodwill here and abroad, that the true heart of the Filipino is demonstrated not by the fatal inadequacies of a few, but by the great human and professional qualities of the many,” ani Odchimar.
“Kindly observe the thousands upon thousands of Filipinos working abroad...They are contributing their professional skills toward the economic development of other countries. In them you will see the true heart of the Filipino,” dagdag niya.
Binigyang pansin ng obispo ang mga Pilipino sa ibang bansa na “with great love and sacrifice” ay nag-aalaga ng mga pamilya, anak at matatanda, sa sari-saring lugar sa Asya, tulad ng Hong Kong at Macau, at sa iba pang sulok ng mundo.





