MILWAUKEE—Umiskor si Drew Gooden ng 23 puntos upang suwagin ng Milwaukee Bucks ang Los Angeles Lakers, 100-89.
May tig-15 puntos sina Ersan Ilyasova at Mike Dunleavy para sa Bucks na tinalo ang Lakers bagamat wala ang kanilang mga pambato na sina Andrew Bogut at Stephen Jackson.
Patuloy ang masamang laro ng Lakers sa labas ng kanilang homecourt. Nanguna si Kobe Bryant na may 27 puntos ngunit hindi niya napigilan na bumagsak ang Lakers sa 1-7.
Sinira ni Bryant ang marka sa prankisa sa free throws ni Jerry West matapos ipasok ang anim tungo sa kabuuang 7,160.
Sa Houston, napanalunan ng Rockets ang ika-siyam panalo sa 10 laro matapos biguin ang New York Knicks, 97-84 Sabado.
Gumanda sa 9-2 ang marka ng Rockets sa kanilang tahanan at lider na sila ng Southwest Division.
Bumuslo si Chase Budinger ng 19 puntos at kumuha ng 14 rebounds si Samuel Dalembert para sa Rockets na nag-syut 49 porsyento ( 38 of 77) sa field.
Semplang ang opensa ng Knicks dahil sa hindi paglalaro ni Carmelo Anthony.
Sa Philadelphia, tinala ni birthday boy Andre Igoudala ang ika-walong triple-double sa kanyang karera upang pabagsakin ng 76ers ang Detroit Pistons, 95-74. May 10 puntos, 10 assists at 10 rebounds si Igoudala.
Sa Salt Lake City, tumipa si Gordon Hayward ng 21 puntos upang padapain ng Utah Jazz ang Sacramento Kings, 96-93. Inquirer wires











